Nagbalik-tanaw sina Joem Bascon at Meryll Soriano kung paano sila nagkabalikan matapos tuldukan noon ang kanilang relasyon. Si Joem, inayos muna ang sarili habang si Meryll naman, humingi ng tawad sa aktor.

“Sa Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ikinuwento nina Meryll at Joem na nagkaroon na sila relasyon noon ngunit hindi natuloy dahil mga bata pa sila.

“Siyempre mga bata pa, may mga kaniya-kaniya pang gustong gawin sa buhay,” panimula ni Joem.

Ayon kay Joem, lumipad si Meryll sa London para mag-aral at nagdesisyong tumigil sa showbiz, habang siya naman ay kapapasok pa lamang noon sa showbiz industry.

“Nag-decide kami na hindi kami magtutuloy together,” sabi ni Joem. “Iniwan niya ako bigla,” biro pa niya.

“Mabigat siya sa akin noong time na ‘yon kasi hindi ko maintindihan kung bakit maghihiwalay. Siyempre bata pa ako noon, gusto ko siyang makasama noong time na iyon,” dagdag ng aktor.

Nakiusap pa si Joem kung maaari nilang ituloy ni Meryll ang kanilang relasyon, ngunit sa tingin niya ay hindi uubra sa kanila ang long-distance relationship.

“I really had to accept lang. The next day I just worked and worked and worked. Ang dami kong natutunan with myself, ang dami kong natutunan sa mundo, to be a better person kung sakali mang magkakabalikan kaming dalawa,” sabi ni Joem.

“Inayos ko muna rin talaga ang sarili ko. Pero it took me a very, very long time,” pag-amin pa ni Joem.

Dumating ang maraming panahon, hanggang sa muli silang magtagpo at magkasama sa isang proyekto.

“I think it’s the time na nagkaroon kami ng chance to talk. I was able to apologize. Nagkaroon kami finally ng closure after all those years, after a decade,” sabi ni Meryll.

“Nagkaroon lang ako ng feeling na mag-sorry ako, kailangan kong mag-sorry kasi alam ko kung gaano kahirap ‘yung nangyari, ‘yung recovery,” sabi pa ni Meryll.

“Siguro at that time it just felt so natural to say I need to say I’m sorry,” dagdag pa ng aktres.

Pareho namang tiniyak nina Meryll at Joem na single na sila noong panahon na iyon.

“I was single for five years,” sabi ni Meryll.

Mula sa pagkakaayos, humantong ito sa muling pagliligawan ng dalawa.

“Noong nagkaroon ng closure, nagkaroon ng opening,” sabi ni Meryll.

“Lumabas na kami with friends. Kasi wala na, tapos na rin ‘yung work namin sa film,” pagsegundo naman ni Joem.

“Tapos we’re very careful sa sarili naming nararamdaman kasi baka mamaya, ano ba ito, nae-excite lang?” sabi ni Meryll.

Si Joem, maingat din lalo’t nanggaling siya sa isa pang relasyon.

“Tsaka ayoko kasing madaliin din, kasi coming from a relationship na nagkagulo and everything, gusto kong maging mas maayos, mas tahimik lang ‘yung buhay naming dalawa noong nag-usap kami during that time,” anang aktor.

“Slowly, hindi namin minadali ang isa’t isa,” dagdag ni Joem.

Unang naghiwalay sina Joem at Meryll noong 2009. Nagkabalikan sila noong 2020.

Noong Enero 2020, inilahad ng ex ni Joem na si Crisha Uy na naghiwalay na sila matapos ang walong taong relasyon.

Inanunsyo naman ni Meryll na mayroon na siyang baby kay Joem noong 2021.--FRJ, GMA Integrated News