Naglabas ng opisyal na pahayag nitong Lunes ang pamunuan ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) para humingi ng paumanhin sa veteran actress na si Eva Darren dahil umano sa hindi sinasadyang pag-"snub" sa kaniya sa awards nights nitong Linggo.
Sa Facebook post ng award-giving body nitong Lunes ng hapon, nakasaad na, “FAMAS would like to express its sincerest apologies to Miss Eva Darren, an icon in Philippine Movie Industry and a professional actress whose career is indubitably worthy of emulation.”
Kinumpirma ng FAMAS na mayroong partisipasyon dapat si Darren sa awarding ceremony na ginanap nitong Linggo ng gabi.
Kasama dapat ni Darren si Tirso Cruz III sa magbibigay ng Special Citations. Pero hindi umano nakita sa lugar ang aktres at live ang pag-ere ng show "with myriads of people.”
Pag-amin ng FAMAS sa pangyayari na, “it's indeed a setback in the live show and negligence on the part of the team.”
Paliwanag pa nila, "The show is being streamed live and needed to be remedied right away. Hence, a replacement for Miss Darren was done last minute.”
Gayunman, sinabi ng FAMAS, hindi nila sinadya ang pangyayari.
“We are writing this with a heavy heart especially after hearing that Miss Darren and her family were terribly hurt by this unintentional disregard to her presence and stature,” saad pa sa pahayag.
Sinabi pa ng FAMAS na binibigyan nila ng pagpapahalaga si Darren, kasama ang iba pang veteran stars na nasa awarding shows. Pero, aminado rin sila na may mga “hitches” at hindi inaasahang pangyayari sa live show.
Pangako nila, babawi sila sa veteran actress na kanilang bibisitahin.
“We understand that an apology alone cannot undo the damage this might have caused Miss Darren but we are committed to make amends and rebuild her trust by a personal visit of the FAMAS Board to honor her stature, if she allows it,” dagdag nito.
Ginawa ng FAMAS ang apology, matapos mag-post ang anak ni Darren na si Fernando de la Pena, kaugnay sa hindi umano tamang pagtrato na ginawa sa kaniyang ina sa naturang pagtitipon.
Nauna nang sinabi ni Francia Conrado, presidente ng FAMAS, na hindi sinasadya na hindi makasama si Darren bilang presentor.
"I feel so sad about it," ani Conrado. "Kung ako 'yon, ganun din ang mararamdaman ko. Pero hindi siya sinasadya. There was nothing deliberate." — FRJ, GMA Integrated News