Sa pagsayaw, kanta, at maging sa aktingan, walang hindi makakakilala sa Sexbomb dancers na namayagpag sa kasikatan noong 2000s. Ngunit paano tinanggap ng mga dating miyembro nito na sina Sunshine Garcia at Mia Pangyarihan ang “paghupa” ng kanilang karera?
“Para kasing noong alam ko na wala na masyadong show, tinanggap ko lang siya. Kasi ito ‘yung reyalidad na alam naman natin from the start na doon papunta,” sabi ni Sunshine sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Wala naman nag-i-stay talaga ng nasa taas ka lang lagi,” pagpapatuloy niya. “Darating ‘yung time na maraming darating na bago. Magsa-subside ka rin pakonti-konti.”
Kahit na umalis na siya sa Sexbomb, nagkaroon pa rin ng trabaho si Sunshine sa ibang TV network.
“Hindi ko rin siya masyadong naramdaman talaga, Tito Boy,” sabi ni Sunshine.
Dumating naman sa ilang pagkakataon na naubos ang ipon ni Mia.
“Ako, Tito Boy, naramdaman ko. Kasi dumating ako sa point na naubos ‘yung ipon. Dumating ako doon sa point na nabenta ko ‘yung kotse ko,” kuwento ni Mia.
“Parang sabi ko nga, ‘yung kotse, parang last ‘hurrah’ ko na siya eh, ‘yun naman ‘yung ginamit ko pang business. Which is, thank you Lord, nag-boom naman siya,” sabi ni Mia.
Taong 1999 nang mabuo ang Sexbomb dancers para sa segment na "Laban o Bawi" ng noontime show na "Eat Bulaga."
Mula sa pagsasayaw, nagkaroon din sila ng music albums, at pinasok din ng grupo ang pag-arte sa telebisyon sa "Daisy Siete,” na isa sa longest drama series sa Philippine television na umabot ng pitong taon.-- FRJ, GMA Integrated News