Sa kabila ng kaniyang husay bilang isang aktres, inilahad ni Jaclyn Jose sa nagdaang panayam na wala siyang dream role. Inihayag din niya ang kaniyang patakaran para tanggapin noon ang mga sexy role. Balikan ang episode na ito ng "Tunay Na Buhay."
Pumanaw nitong nakaraang Sabado si Jaclyn, o Mary Jane Guck sa tunay na buhay.
BASAHIN: Jaclyn Jose pumanaw sa edad na 60
Ayon sa kaniyang anak na si Andi Eigenmann, myocardial infarction o heart attack ang dahilan ng biglaang pagpanaw ng kaniyang ina.
BASAHIN: Andi Eigenmann, inilahad ang dahilan ng pagpanaw ng kaniyang ina na si Jaclyn Jose
Sa isang episode noon ng Tunay na Buhay, ibinahagi ni Jaclyn ang kaniyang karanasan bilang isang aktres na nagsimula sa mga sexy role.
Ang pelikulang "Chikas" ang unang naging proyekto ni Jaclyn noong 1984. Kaya naman umabot siya sa halos 40 taon sa industriya ng showbiz.
Ayon kay Jaclyn, mahusay gumawa ng pelikula ang mga Pinoy kahit pa may tema na pagka-sexy.
Nasundan pa ang maraming sexy projects si Jaclyn gaya ng Private Show, Takaw Tukso, at Itanong Mo sa Buwan noong 1988, kung saan nakatambal niya ang namayapa na ring aktor na si Mark Gil, na kaniyang naging dating asawa, na ama ni Andi.
Nang tanungin kung papaano napapapayag si Jaclyn na tanggapin ang mga sexy project noon, tugon ng aktres, "[Dapat] palaging may social relevance."
Ayon kay Jaclyn, unang best actress award na nakamit niya ay mula sa Urian para sa Takaw Tukso, at kahati niya sa parangal si Pilar Pilapil.
Para sa premyadong direktor na si Joey Reyes, hindi lang isang "star" si Jaclyn, kundi isang "aktres."
"Si Jaclyn Jose yung isa sa mangingibabaw na totoong masasabi natin na isang aktres," anang direktor.
Marami ring ginawang TV series si Jaclyn na tumatak ang kaniyang role. Gaya ng sa Mundo Moy Akin noong 2013, kung saan nakatrabaho ni si Alden Richards.
Muli silang nagkasama sa historical series na "Ilustrado" na batay sa buhay ni Jose Rizal.
Ayon kay Alden, palaging nagbibigay ng payo sa kaniya si Jaclyn para mas maging mahusay din ang kaniyang trabaho.
Sinasabi rin umano ng aktor kay Jaclyn ang kaniyang mga problema at palagi naman siyang nakakatanggap ng mga payo mula sa aktres na inilarawan niya noon sa panayam na "perfect epitome of a mom."
Ang aktor na si Gardo Versoza, sinabi sa naturang episode ng Tunay na Buhay, na hindi maramot na aktres si Jaclyn.
"Mas nai-enjoy ko siyang ka-work kasi alam ko thinking actress. Hindi maramot," sabi ng aktor.
Si Ina Raymundo na nakasama ni Jaclyn sa "The Millionaire's Wife," sinabing "intense" na aktres na si Jaclyn.
"Kung ano ang napi-feel niya sa eksena gagawin niya," sabi ni Ina, na inilarawan din si Jaclyn na napaka-humble at hindi ma-attitude.
Sa dami na ng role na kaniyang ginampanan, sinabi ni Jaclyn na wala siyang naging dream role.
"I don't have dream roles ever in my life," sabi ng aktres. "I just want to portray, create characters."
Noong 2016, si Jaclyn ang naging kauna-unahang Pinay at Southeast Asian actress na itinanghal na Best Actress sa Cannes Film Festival para sa kanilang pagganap silang si Rosa sa pelikulang "Ma' Rosa" na idinerek ni Brillante Mendoza. -- FRJ, GMA Integrated News