Ibinahagi nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo kung papaano nakatulong ang pagkakaroon nila ng anak sa nagdaan nilang karelasyon para higit na maging maayos ang kanilang pagsasama.

Sa panayam ni Karen Davila sa kaniyang YouTube channel, sinabi nina Jennylyn at Dennis na mas naiintindihan nila ang kanilang pagsasama dahil sa nagdaang karanasan nila sa kanilang naging mga karelasyon,

“Mas naiintindihan namin ‘yung isa’t isa. Alam na namin kung paanong i-ha-handle ‘yung mga ganung klaseng sitwasyon,” sabi ni Jennylyn.

Dagdag naman ni Dennis, "’Yung sitwasyon namin noon, ay kumbaga equipped na kami kung ano ‘yung mga kailangan namin, at para mas maging maganda ‘yung relasyon namin at smooth ‘yung pagsasama."

Naging mahalagang susi rin umano sa kanilang pagsasama ang pagtanggap sa nakaraan ng isa't isa.

“Alam namin ‘yung pinagdaanan niya, alam niya rin ‘yung pinagdaanan ko," sabi pa ng aktres.

Ayon kay Jennylyn, kaibigan din niya ang ex-girlfriend ni Dennis na si Carlene, na nakatulong din sa kanilang pamilya.

“Nagkakausap kami, ganyan, nagkaka-message kami,” saad ng aktres. “’Pag may mga bagay na kailangan niyang ibilin ‘pag nasa amin si Calix, or ako rin kapag kailangan ni Calix ng something. Or may mga bilin ako na kailangan uminom ng vitamins, 'yung mga ganun, ibinibilin ko kay Carlene.”

Si Jennylyn, mayroon namang isang anak sa dating nobyo na si Patrick Garcia na si Alex Jazz.

Ilang buwan makaraang magpakasal noong November 2021, dumating naman sa buhay nila ang kanilang anak ni Dennis na si Dylan. —FRJ, GMA Integrated News