Hindi maiwasan ni Heart Evangelista na maging emosyonal nang mapag-usapan ang kaniyang buhay ngayon, at pagiging ina niya sa kambal ng anak ng kaniyang mister na si Senator Chiz Escudero.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, nakapanayam ni Boy Abunda sa isang event si Heart.

Nagpapasalamat si Heart sa kaniyang stepchildren na sina Chesi at Quino dahil sa pagtitiwala sa kaniya.

"I didn't give them the gift of life but they gave me, you know, the feeling of really what love is and they really accepted me," saad ng aktres.

Umaasa si Heart na magkakaroon din siya ng anak na galing sa kaniya, at handa na raw siyang maging ina.

"It's so hard when you question yourself of all these things but when I look back at my life, you know, with the people, and the experiences I had, all the hardships of being alone, it makes sense now," pahayag niya.

"And I feel like if there's any moment that I should be blessed with a baby, it should be now because I feel like I'm ready as a person and I would be able to give more," dagdag ng aktres.

Taong 2015 nang ikasal sina Heart at Chiz. Nabuntis ang aktres noong 2018 na kambal din sana pero nakunan siya.

Sa darating na Pebrero 14, ipagdiriwang ni Heart ang kaniyang kaarawan, at magkakaroon sila ng renewal of vows ng kaniyang asawa.—FRJ, GMA Integrated News