Kinumpirma ng King of Talk na si Boy Abunda nitong Martes na hiwalay na ang magkasintahang Bea Alonzo at Dominic Roque, na naging engaged noong nakaraang taon, at inaabangan sana ang kasal ngayong taon.

Taong 2021 pa magkarelasyon ang dalawa hanggang sa maganap ang sorpresang proposal ni Dominic kay Bea noong July 2023 sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Quezon City.

Pero hindi lang sina Bea at Dominic ang couple na hindi nauwi sa kasal ang engagement.

1. Yassi Pressman at Jon Semira

Nitong nakaraang taon nang kumpirmahan ni Jon na hiwalay na sila ni Yassi. Bagaman hindi naibalita ang engagement ng dalawa, lumabas sa social media ang video sa nangyaring engagement ng dalawa matapos maibalita ang kanilang breakup.

Ayon sa isang ulat ng PEP.ph, posibleng nangyari ang engagement ng dalawa noong 2022, ang taon nang isapubliko rin nina Yassi at Jon ang kanilang relasyon.

2. Nicole Andersson at Chris

Enero 2022 nang ibinahagi ng lifestyle vlogger at celebrity influencer na si Nicole Andersson ang engaged na siya sa kaniyang boyfriend noon na si Chris.

Pero pagsapit ng Setyembre sa kaparehong taon, inihayag din ni Nicole na wala nang kasal na magaganap sa kanila ni Chris.

3. Kris Aquino at Mel Sarmiento

Napag-usapan na may planong magpakasal ng dating couple na sina Kris Aquino at dating Interior secretary Mel Sarmiento, pero naghiwalay din ang dalawa noong Enero 2022.

Nasundan ito ng pag-alis ni Kris patungong US para ipagamot ang kaniyang autoimmune disease.

4. Demi Lovato at Max Ehrich

July 2020 nang magplanong magpakasal si Demi Lovato sa dati nitong nobyo na si Max Ehrich. Pero dalawang buwan ang nakalipas, naghiwalay ang dalawa.

Engaged naman ngayon si Demi sa kaniyang partner na si Jordan “Jutes” Lutes.

5. Lady Gaga at Taylor Kinney

Tumagal naman ng mahigit isang taon ang engagement nina Lady Gaga at Taylor Kinney bago sila naghiwalay.

Bago makompirma ang kanilang hiwalayan, napansin ng netizens na hindi na suot ni Lady Gaga ang kaniyang engagement ring.

6. Perrie Edwards at Zayn Malik

Dalawang taon naman na naging engaged sina Perrie Edwards at Zayn Malik bago rin nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.

7. Miley Cyrus at Liam Hemsworth

Bago nagpakasal ba bauwi sa diborsiyo, nagkahiwalay din muna sina Miley at Liam matapos ang kanilang unang engagement.

Pero nagkabalikan ang dalawa na nauwi sa kasal, pero humantong muli sa hiwalayan na may kasama nang diborsyo. —FRJ, GMA Integrated News