Wala pang maibigay na detalye si Bea Alonzo tungkol sa kasal nila ni Dominic Roque.

Sa panayam ng PEP.ph sa isang launch event ng isang smartphone brand kamakailan, inamin ni Bea na wala pa siyang ideya tungkol sa kaniyang ideal wedding.

"I'll tell you kapag meron na akong idea. Right now, wala pa,” sabi ni Bea.

"We're getting there, but we're very busy. I'm about to start a teleserye, and meron pang ibang projects na I cannot tell you which will also happen this year,” pagpapatuloy niya.

Wala ring nabanggit si Bea kung sino ang mga kukunin nilang ninong at ninang sa kasal, maging ang mga guest.

"Wala pa talaga. Wala pa talaga akong masabi sa inyo," saad niya.

“Alam mo, wala pa talaga. I can't tell you anything just yet,” anang Sparkle actress.

Dahil pa rin sa trabaho, sinabi ni Bea na wala pa silang plano ni Dom para sa Valentine’s Day.

“Wala pa rin talaga. Parang taping day nga namin 'yan, e. Wala pa talaga kaya wala akong ma-share," ayon sa aktres.

Inilahad ni Bea na naniniwala siyang pinagpaplanuhan ng parehong soon-to-be bride at groom ang kasal.

"I think it's a two-way relationship. Hindi lang dapat lalaki [ang mag-effort]. We are pushing for equality. So, equality means ‘yung effort equal,” sabi niya.

"Sa relationship namin, wala namang mas nag-e-effort at hindi nag-e-effort," dagdag niya.

Kinumpirma nina Bea at Dominic ang kanilang relasyon noong 2021 at na-engaged Hulyo noong nakaraang taon.

Inilahad nila ang plano nilang magpakasal ngayong 2024. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News