Hiwalay na ang mag-asawang Jericho Rosales at Kim Jones matapos ang halos 10 taon nilang pagsasama.

Kinumpirma ito ni Kim sa source ng GMA News Online, at sinabing nananatili silang mabuting magkaibigan ni Jericho.

Una rito, inihayag sa ABS-CBN ni Ricci Ocampo, ninong sa kasal nina Jericho at Kim, na hiwalay na umano ang dalawa noon pang 2019.

Mutual o parehong desisyon umano ng dalawa na maghiwalay.

Sa Instagram, parehong nagkokomento sina Jericho at Kim sa mga post ng isa't isa.

Nitong nakaraang taon, nagkasama sa isang proyekto sa para sa Vogue Philippines ang dalawa.

"The legend @jerichorosalesofficial by me for @gucci + @voguephilippines," saad ni Kim sa proyekto.

Taong 2014 nang ikasal sa Boracay sina Jericho at Kim, matapos ang tatlong taon nilang pagiging magkasintahan.— FRJ, GMA Integrated News