Lingid sa kaalaman ng marami, ibinahagi ni Janno Gibbs na lumaki ang kaniyang ama na si Ronaldo Valdez na hindi nasilayan ang sarili nitong ama na isang Amerikano.
Sa eksklusibong panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Janno na "Gibbs" talaga ang apelido ng kaniyang ama pero hindi nito nakapiling habang lumalaki ang sariling ama na si James.
BASAHIN: Janno Gibbs, inilahad ang naging karamdaman ng kaniyang ama na si Ronaldo Valdez
"All his life he was looking for his dad," ani Janno tungkol sa kaniyang amang si Rolando.
Pero naging mahirap daw noon ang paghahanap ni Ronaldo sa sarili nitong ama na si James dahil wala pang masyadong internet noon at social media.
"Until mga two decades ago siguro or more, finally may nagsabi sa kaniya na, 'nahanap ko yung father mo sa State,'" patuloy na kuwento ni Janno.
Sinulatan umano ng kaniyang ama na si Ronaldo ang ama nito na si James, at sumagot naman.
Humingi umano ng patawad ang kaniyang lolo kay Ronaldo at sinabing mayroon na itong sariling pamilya sa State o US.
"Sinabi ng daddy ko na, 'I'm not after anything I'm doing really well here in the Philippine. I just want to met you,'" sabi pa ng singer-actor.
Ayon kay Janno, nagkita ang kaniyang ama at ang kaniyang lolo. Nangyari umano ito sa panahon na mayroon na siyang panganay na anak.
"Ganoon na kalayo [katagal] mayroon na akong panganay. That was very fulfilling to him. Ang hindi alam ng marami so late in his life na nang nakilala niya yung father niya," anang singer-actor.
Dagdag pa ni Janno, nakilala rin nila ang kanilang lolo James.
Tungkol sa pagiging uri ng ama ni Ronaldo, sinabi ni Janno na cool dad, very sweet at very affectionate ang namayapang veteran actor.
Hindi umano gaya ng tradisyonal na amang Pinoy na medyo kinatatakutan ng anak, sinabi ni Janno na pantay ang turing nito sa kanila at puwede silang magpaliwanag kapag may nagawang pagkakamali.
Sa pelikulang "Seven Sunday," na gumanap si Ronaldo na isang ama, sinabi ni Janno tungkol sa naturang karakter ng ama na, "Siya 'yon, that was him. Siya 'yon in real life. That was not acting that was him."
Ang pinakama-miss umano niya sa pagkawala ng kaniyang ama, ang sabay nilang pag-aalmusal na maraming kuwentuhan. -- FRJ, GMA Integrated News