Naging palaisipan sa marami kung may pinagdadaanan o karamdaman ang veteran actor na si Ronaldo Valdez bago nangyari ang bigla niyang pagpanaw noong nakaraang Disyembre.
Sa eksklusibong panayam ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," tinanong si Janno Gibbs kung mayroon ba siyang napansin na palatandaan o pahiwatig mula sa ama bago nangyari ang trahedya sa kanilang pamilya.
Kuwento ng singer-actor, nasa bahay siya nang mangyari ang insidente at nagpapahinga siya sa kaniyang kuwarto.
BASAHIN: Janno Gibbs, nanatili sa tabi ng kaniyang ama hanggang sa huling sandali: 'I got to say goodbye'
Paliwanag ni Janno, mula nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang, nasa pangangalaga na niya ang kaniyang ama.
Hinala niya, sinadya ng kaniyang ama na natutulog siya, dahil kinatok pa siya nito sa kaniyang kuwarto at tinanong tungkol sa kaniyang lakad.
Sinagot umano niya ang kaniyang ama na tuloy ang kaniyang lakad pero iidlip lang muna siya sandali.
Pagkaraan lang nang ilang sandali, nangyari na ang hindi nila inaasahan.
"I think he made sure na I was sleeping," ani Janno.
Mula noong nakaraang taon, ibinahagi ni Janno na biglang nagkaroon ng problema sa paglalakad ang kaniyang ama.
Nang lumalala ito, gumagamit na ng mobile wheelchair si Ronaldo. Bagaman, kaya pa naman daw umakyat ng hagdan, sinabi ni Janno na mabagal na lang.
Ilang beses na rin umanong nagpatingin sa doktor ang kaniyang ama na kaniyang sinasamahan.
Hanggang sa hikayatin na niya ang ama na mag-MRI para matukoy ang problema sa kaniyang hirap sa paglalakad.
"Kasi ayaw niyang magpa-MRI takot 'yon, parang nako-claustrophobic siya. He even walkout in one session. Until finally napilit ko siyang magpa-MRI," ayon sa singer-actor.
"He was scheduled to be operated sa cervical spine but the days before it happened parang it just getting even worst," patuloy niya.
Kilalang mahilig mamasyal o lumabas umano si Ronaldo, pero sa nakalipas na mga araw bago ang trahediya, tumatanggi na umano ang kaniyang ama na lumabas kapag inaaya niya. Idinadaing umano ng kaniyang ama ang kaniyang binti na tila lumalala ang problema.
Para sa isang tao na mahilig lumabas gaya ng kaniyang ama, naniniwala si Janno na malaking isyu ang hindi na makapaglakad.
Hinala niya niya, baka hindi 'yon matanggap ng kaniyang ama, at ayaw din ng kaniyang ama na maging pabigat sa kanila.
"I'm just guessing [na] siguro ayaw niyang to burden us his children, his grandchildren," saad ni Janno.
Maaaring hindi na rin umano nais ng kaniyang ama na maoperahan.
Ayon pa sa singer-actor, wala siyang nakitang palatandaan na may gagawin sa kaniyang sarili ang kaniyang ama.
Kaya payo niya sa iba, maging mapagmatyag at mapagbantay sa kanilang mga kasama sa bahay.
Nagpayo rin siya sa mga katulad niyang anak na magbigay ng panahon na kasama ang mga magulang.
"Please spend more time with your parents, love your parents. You'll never know when they go. I-cherish ninyo na," saad niya. — FRJ, GMA Integrated News