Inilahad ni Janno Gibbs ang mga huling sandali ng kaniyang ama na si Ronaldo Valdez. Kahit hindi na gumagalaw ang ama, kinausap niya ito at nagawa niyang magpaalam.
Sa eksklusibong panayam ni Jessica Soho sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Janno na nanatili siya sa tabi ng kaniyang ama "for a good 10, 15 minutes.
"I stayed with him and since he was still breathing, I was talking to him," saad ng singer-actor. "Of course, wala nang response but I got to say goodbye."
"I was kissing him. I was saying I love you. 'I hope you're okay. You will be okay.' But I wish I got to say it, those things nang conscious pa siya," patuloy niya.
Kahit unti-unti na niyang natatanggap ang pangyayari, hangad sana ni Janno na naging maayos ang pagpapalam niya sa kaniyang ama.
"Like I said, I was with him every day, till the end. But, sorry. Ang wish ko lang is that I could have said goodbye, I said goodbye properly, clearly na, 'Bye, Pa! I love you!'" emosyonal na paliwang ni Janno.
Ayon pa sa kaniya, nagkaroon siya ng pagkakataon na makasama ang ama nang matagal nang nabubuhay pa matapos na maghiwalay ang kaniyang mga magulang, at sa kaniya na tumira si Ronaldo.
Nakagawa pa sila ng pelikula ng kaniyang ama na "Itutumba ka ng Tatay Ko," na siya ang direktor sa unang pagkakataon.
Bagaman may nagmumungkahi na huwag na munang ipalabas ang pelikula sa mga sinehan, sinabi Janno na tumanggi siya.
"I think this is the perfect time to show it para mabura 'yung last horrible image of him. And to see him again in his full glory. Yung masaya, guwapo," patungkol ni Janno sa nag-leak na video nang matagpuan na duguan ang kaniyang ama sa loob ng kanilang bahay noong Disyembre.
Kung may maganda man daw na naidulot ang trahediya sa kanila, ito ay ang lalong naging matatag ang kanilang pamilya.
Payo niya sa iba lalo na sa mga katulad niya na anak: "Please spend more time with your parents, love your parents. You'll never know when they go. I-cherish ninyo na." -- FRJ, GMA Integrated News