Nilinaw ni Janno Gibbs kung bakit nagbakasyon ang kaniyang pamilya sa Japan ilang linggo makaraang pumanaw ang kaniyang ama na si Ronaldo Valdez. Plano rin niya na lumipat ng bahay.
Sa panayam ng Pep.ph, sinabi ni Janno na matagal nang nakaplano ang naturang biyahe bago pa man mangyari ang trahediya sa kanilang pamilya.
“‘Yung trip na ‘yun to Japan was scheduled talaga. Naka-schedule talaga ‘yun even before that happened,” ani Janno.
Nais umano ng kaniyang anak na huwag na silang tumuloy sa biyahe pero si Janno umano ang nagpasya na tumuloy.
“Hindi, ituloy natin dahil kailangan natin ito para makahinga tayo... sa lahat. Para sa sarili namin, saka makahinga from… from lahat ng mga magtatanong, ‘di ba?,” saad ng singer-actor.
Nakatulong daw ang naturang biyahe nila, kasabay ng pag-amin ni Janno na nais nilang maging malayo sa kanilang bahay.
“Kasi nga, ayaw naming umuwi hangga’t maaari dahil dun nangyari, e. ‘Di ba? Dun nangyari, so hangga’t maaari, ayaw naming umuwi,” sabi ni Janno.
Inihayag din niya ang plano nilang lumipat na sa ibang bahay.
“Kasi, iba na. Iba na ‘yung tingin namin dun sa house, e. ‘Di ba?” pahayag niya. “Although separate naman siya, dalawang unit siya, e. It was in the other unit. But still.”
Pumanaw si Ronaldo noong Disyembre sa edad na 76.
Natagpuan ang aktor sa kanilang bahay na may tama ng bala. Nitong Lunes, pinuna ni Janno ang pulisya sa paraan ng pag-iimbestiga at pag-leak sa social media ng video ng kaniyang ama.
Pinuna rin ni Janno ang mga vlogger na nag-imbento ng mga kuwento para umano pagkakitaan ang nangyari sa kaniyang ama.
“Ganito na ba kababa, ka-desperado ang mga vloggers for likes and views. At the expense of our lives, my father’s reputation, my family, ganon na ba talaga ka-desperado?” hinanakit ng singer-actor.
“Sa kanilang lahat… pati sa lahat ng netizens na nag-share at nagpasa ng video, I want to say, shame on you or better yet, f_ck you. I think that’s the better statement,” dagdag niya.—FRJ, GMA Integrated News