Naglabas ng sama ng loob si Janno Gibbs sa pulisya dahil sa paraan ng ginawang pagsiyasat sa pagkamatay ng kaniyang amang si Ronaldo Valdez. May mensahe rin ang aktor sa mga vlogger na pinagkakitaan umano ang nangyaring trahediya sa kanilang pamilya.

Humarap si Janno sa isang press conference, kasama ang kaniyang abogado na si Atty. Lorna Kapunan. Kabilang sa ikinasama ng loob ng aktor sa kapulisan ay nang lumabas sa social media ang video na ipinakita ang katawan ng kaniyang ama matapos na makitang may tama ng bala ng baril sa kanilang bahay noong nakaraang Disyembre.

Ayon kay Janno, isang pulis na mula sa police station na malapit sa kanila ang unang dumating sa lugar at kumuha ng video.

“Kapag ongoing investigation, dapat walang leakage. Meron tayong privacy ng family, meron din tayong confidential data information. So, mishandling talaga… Remember, this is the very same day na in total shock pa ang family and then nadagdagan pa ng insensitivity ng pulis,” ani Kapunan.

“It must be with the same prominence na mag-apologize sila. Kung kinalat nila ang video sa public o nag-leak sila ng video, with the same prominence, the apology must be as public and as widespread. Sincere apology ‘yan,” dagdag niya.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Janno na nagtanong siya sa pulisya kung bakit may nag-leak na video ng kaniyang ama. Idinahilan umano na walang magagawa dahil ipinasa ang mga video sa mga mas nakatataas.

Pinuna rin ni Janno na may nagawang makalusot at nakuhanan siya habang sumasalang sa paraffin test.

Siyam na araw matapos ang trahediya, nag-text pa raw sa kaniya ang pulisya para tanungin siya kung puwedeng kunin ang slug ng bala sa kanilang bahay at gusto pang i-recreate ang nangyari.

"Hindi niyo nagawa yun nung araw na yun [nang mag-imbestiga]? Dami niyo, anong pinrocess niyo? After nine days, ay yung slug nga pala. Tapos hinihingian pa nila na puwede ba natin i-recreate ang scene? Huh nag-process na tayo e," sabi ni Janno.

Tumanggi umano si Janno na i-recreate pa ang nangyari dahil masakit para sa kanila na balikan pa ang sinapit ng ama.

Pinuna rin ni Janno ang mga vlogger na ginamit umano ang nangyaring trahediya sa kanilang pamilya na nag-imbento ng mga kuwento para pagkakitaan sila.

“Ganito na ba kababa, ka-desperado ang mga vlogger for likes and views. At the expense of our lives, my father’s reputation, my family, ganon na ba talaga ka-desperado?” ani Janno.

"Sa kanilang lahat… pati sa lahat ng netizens na nag-share at nagpasa ng video, I want to say, shame on you or better yet, f_ck you. I think that’s the better statement,” dagdag ng aktor.

Sa kabila ng lahat, sinabi ni Janno na wala na silang plano na magsampa pa ng reklamo.

Noong Disyembre, dalawang pulis ang sinibak sa puwesto dahil sa paglabas sa social media ng video na nakita ang katawan ni Rolando.

Ayon kay PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, nahaharap sa administrative and criminal complaints ang pulis na first responder at ang kaniyang station commander.

Sa ulat ng "24 Oras," muling humingi ng paumanhin si Quezon City Police District chief Police Brigadier General Redrico Maranan, sa pamilya ni Janno na kaniya na umanong nakausap. --FRJ, GMA Integrated News