Nagbalik-tanaw si Cedrick Juan sa kaniyang mga pinagdaanang pagsubok sa kaniyang piniling career sa entertainment industry bagong makamit ang pagkilala at itanghal na Best Actor sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, binanggit ni Tito Boy ang obserbasyon mula sa mga nakatrabaho ng aktor na hindi niya inaasam na maging isang “celebrity,” at hindi rin siya nagtatanong kung magkano ang ibabayad sa kaniya sa tinatanggap na mga proyekto.
“Siguro nasanay na po ako sa theater. And alam namin na hindi kami kikita rito pero sige, for the art and for all the learnings and their presentations,” sabi ni Cedrick.
Sinabi pa ni Cedrick na bago nakaahon ang kanilang pamilya, pinaghirapan muna nila ito.
“Rugs to riches po talaga. Pinagtrabahuhan,” saad pa niya.
Inamin din ni Cedrick na tutol ang kaniyang mga magulang sa pinili niyang career kapag nakapagtapos siya ng kolehiyo.
“Before Tito, when I started pursuing this, mahirap po talaga, as in nakakaaway ko sina mama at papa, bakit ko ito ginagawa. They are asking me nga na, ‘You finished a four year course, sana humanap ka ng day job.’ Sa Pilipinas, parang extracurricular ‘yung pag-pursue ng arts eh,” saad ng aktor.
Sa mahigit isang dekada na niya sa pag-arte, inilahad ni Cedrick ang kaniyang proseso.
“I don’t memorize first. Gusto ko munang maintindihan ‘yung konteksto ng character, so babasahin ko muna multiple times. Nandoon na rin ‘yung repetition na ‘yon so that I would understand the context of each line," paliwanag ni Cedrick na kasama na rin ang emosyon sa bawat eksena.
Para kay Cedrick, deserve niya ang parangalang bilang best actor sa MMFF 2023.
“Deserve kong manalo dahil alam kong pinagpaguran ko siya ng 10 taon, at alam ko na gusto kong gamitin ang platform na ito para mag-inspire at makatulong sa nation-building,” aniya.
Si Cedrick ang itinanghal na breakout star ng "GomBurZa," isang historical film tungkol sa tatlong paring martir na sina Mariano Gómez, José Burgos, at Jacinto Zamora.
Gumanap si Cedrick bilang si Padre Burgos, at nagwaging best actor sa MMFF Gabi ng Parangal at nakatunggali sina Piolo Pascual, Dingdong Dantes, at Alden Richards.-- FRJ, GMA Integrated News