Ibinenta kamakailan ng dating child star na si Jiro Manio ang kaniyang Gawad Urian Best Actor trophy sa halagang P75,000 sa isang vlogger. May plano kaya siyang ibenta ang iba pang award na natanggap niya para sa nasabing pelikula?
Sa programang "Dapat Alam Mo," sumalang si Jiro sa segment na "Not Gonna Lie", at sinagot niya ang ilang maiinit na tanong ni Susan Enriquez.
Dahil sa mahusay na pagganap ni Jiro sa kaniyang role sa "Magnifico" na ipinalabas noong 2004, umani siya ng mga pagkilala sa iba't ibang award-giving bodies. Kabilang dito ang Urian, Famas, at FAP o Film Academy of the Philippines.
Kaya naman tinanong si Jiro kung may plano rin ba siyang ibenta ang iba pa niyang awards para mapagsama-sama ang mga ito na may kinalaman sa pelikulang "Magnifico."
BASAHIN: Jiro Manio, ibinenta ang Gawad Urian Best Actor trophy sa halagang P75K
Pero ayon kay Jiro, wala siyang balak na ibenta ang iba pa niyang awards, at wala rin naman nag-aalok na bilhin ang mga ito.
"Kasi po yung iba luma nang tingnan at nabasag na ang iba," sabi ni Jiro.
Inaalagaan naman daw niya ang mga ito at nakalulungkot din naman daw kung mauubos.
Inamin ni Jiro na ibinenta niya ang Urian trophy niya sa vlogger ng “Pinoy Pawnstars” na si Boss Toyo o Jayson Luzadas, dahil sa kailangan niya ng pera dahil magpa-Pasko at Bagong Taon.
Bukod doon, nais din daw ni Jiro na maalagaan at makasama ang kaniyang trophy sa itatayong museum ni Jayson.
Tinanong din ni Susan si Jiro kung may balak pa ba siyang bumalik sa pag-arte o sa showbiz industry.
Ayon kay Jiro, sa ngayon ay masaya siya sa piling ng kaniyang pamilya at mga kaibigan.
Nais din daw ni Jiro na tutukan ang kaniyang sarili para magtuloy-tuloy ang kaniyang recovery matapos ang kaniyang pagkaka-rehab noon.
Sa ngayon, nagtatrabaho bilang volunteer si Jiro sa isang rehab facility sa Bataan.
Bilang bantay at co-facilitator, nagbibigay ng inspirasyon sa mga bagong pumasok sa rehab facility si Jiro.
Ayon kay Jiro, hindi lang siya nakatutulong sa iba sa kaniyang ginagawa sa nasabing pasilidad, kung hindi natutulungan din nito ang kaniyang sarili.-- FRJ, GMA Integrated News