Sinimulan na ng original members ng Rivermaya ang rehearsals para sa kanilang much-awaited reunion concert sa Pebrero 17.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa Balitanghali nitong Martes, sinabing aasahan na ng fans ang isang massive concert ng Pinoy rock band, mula sa kanilang performance hanggang stage design.
Ayon kay Rico Blanco, tila pagsakay sa bisikleta ang rehearsals dahil it comes naturally sa grupo.
May kakaibang kahulugan na rin ang kanilang mga kanta dahil mas mature na sila ngayon.
Si Mark Escueta, na miyembro na ng banda mula pa noong 1994, sinabing passion niya ang pagtugtog at paggawa ng musika.
Nagbabalik din si Nathan Azarcon sa Rivermaya.
Sinabi ni Bamboo na maibibigay na nila ang kanilang 100% commitment.
“Years na itong pinag-uusapan, this is not just something that has been talked about, until it became like a solid idea and then, ‘yun na,” sabi ni Bamboo.
“Gusto namin kayo makita ulit or marami riyan first time pa kaming mapapanood, doon kami excited,” sabi ni Mark.
“Matagal na itong nire-request sa amin, ito na kami ngayon so enjoy tayo,” sabi ni Rico.
Gaganapin ang reunion concert ng Rivermaya sa SMDC Festival Grounds sa Parañaque City.
Nagsimula na ang ticket selling noong Nobyembre.
Kilala ang Rivermaya sa kanilang mga kantang "214," "Kisapmata," "Elesi," "Awit ng Kabataan" at marami pang iba.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News