Matapos ang patok na parody version ng mga kantang “Raining in Manila,” “Uhaw” at “Gusto Ko Nang Bumitaw,” may bagong kuwelang awitin si Michael V na hango sa awiting “Pasilyo."

May titulong “Sipilyo” ang bagong bagsak ng "King of Philippine Parody," na batay sa awiting "Pasilyo" ng SunKissed Lola.

Ipinalabas ang music video ng “Sipilyo” ng "Sang Kiss Muna," sa nakaraang episode ng  "Bubble Gang.”  Patungkol ito sa taong hindi nagsisipilyo kaya “dilaw na dilaw” ang ngipin.

Ang “Pasilyo” ng SunKissed Lola ay isa sa mga top song ngayong 2023. Naging no. 1 pa ito sa Spotify Philippines,’ at nakasama sa most searched songs globally sa listahan ng Google.

Kabilang naman sa mga bagong parody songs ni Michael V. ang “Raining in Manila” ng Lola Amour; “Uhaw” ng Dilaw at “Gusto Ko Nang Bumitaw” ni Morissette. —FRJ, GMA Integrated News