Sa isang episode ng noontime show na "It's Showtime" na napapanood din sa GTV, inihayag ni Vice Ganda na mabuting tao ang co-host niyang si Kim Chiu na dapat na matanggap ang "the best."

Sa segment na "EXpecially For You” nitong Martes, maghahanap ng potensyal na love interest ang player, at makakasama ng player ang kaniyang ex para tumulong sa pagpili.

Naging paksa ng usapan at biruan ng mga host ang dating magkasintahan tungkol sa dahilan ng kanilang paghihiwalay dahil umano sa kawalan ng time.

Hanggang sa mapansin ni Vice ang kasuotan ni Kim na parang dadalo umano sa prom.

Nang sabihin ni Anne Curtis na maganda si Kim sa kasuotan nito, sinabi ni Vice na, “Maganda talaga ‘to.”

“Maganda ka, mabuti kang tao," sabi ni Vice kay Kim. "Maganda ang puso mo. You deserve the best, you deserve love.”

Matapos nito ay mahigpit na niyakap ni Vice si Kim, at ngumit naman ang aktres.

Nang sandaling iyon, binibiro ni Vice ang player sa naturang segment tungkol sa " kawalan ng time" sa dating kasintahan.

Sa nagdaang mga linggo, may mga bali-balitang may problema sa relasyon nina Kim at Xian Lim.

Wala pang pahayag na inilalabas ang dalawa tungkol dito.

Pero sa isang post ni Xian kamakailan, hiniling niya sa publiko na maging maingat sa mga paniniwalaan sa tinatawag niyang “deceiving headlines.”

Mapapanood si Xian sa upcoming GMA series na "Love. Die, katambal si Jennylyn Mercado.

Mapapanood naman sa GMA Network’s GTV ang "It's Showtime," mula sa Lunes hanggang Sabado. —FRJ, GMA Integrated News