Ikinagulat maging ng King of Talk na si Boy Abunda nang sabihin ng female vocal group na 4th Impact na umaabot sa 200 ang alaga nilang aso. Paano kaya ito nangyari?

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, ibinahagi ng grupo-- na binubuo ng magkakapatid na sina Almira, Irene, Mylene at Celina Cercado-- na kagagaling lang nila sa US at nakapag-record sila ng kanilang self-titled mini album sa tulong ng composers nina Beyonce, Jennifer Lopez, at Ariana Grande.

Tinanong ni Tito Boy ang magkakapatid kung papaano nangyari na nagkaroon sila ng 200 alagang aso.

Paliwanag nila, 130 ang aso nila noon nang magkaroon ng pandemic. Pero nang magpunta sila sa Amerika, hindi nila ito nabantayan kaya nagkaanak at nadagdagan pa.

Sa 200 na kanilang alaga, nasa 100 lang ang kilala nila sa mukha at may pangalan .

Sabi ng magkakapatid, isa rin sa dahilan ng kanilang pagpupursige ang kanilang mga aso na kailangan din nilang matustusan.

Para sa magkakapatid, stress reliever nila at mga aso at itinuturing din nilang suwerte sa kanila.

Katunayan, nang dumami raw ang kanilang aso, nakabili sila ng bahay.

"Pero sila yung tumira," biro n Almira. --FRJ, GMA Integrated News