Marami ang kinikilig sa tambalan nina Will Ashley at Bianca De Vera sa series na “Unbreak My Heart.” Kaya naman sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, tinanong si Bianca kung may pag-asa kaya si Will kung liligawan siya.

“Maybe, [but] not now,” tugon ng dalaga kay Tito Boy. “I think siyempre there are things na he has to settle on his own and me also. I think nagkakasundo kami sa fact na inuuna talaga namin ang career namin at the moment.”

Ayon kay Bianca, hindi pa siya nagkakaroon ng boyfriend.

Inihayag din ng dalaga na komportable sila sa isa’t isa ni Will.

“Kasi kami ni Bianca kapag wala sa screen, wala sa work, close po talaga kami,” sabi naman ni Will.

Sa naturang panayam din, itinanggi ni Will na niligawan niya pero binasted siya ni Angel Leighton.

Si Will ay isang Kapuso star, habang si Bianca naman ay isang Tiktok content-creator-turned Kapamilya actress. Magkatambal sila sa series na “Unbreak My Heart.”

Sa nalalapit na pagtatapos ng “Unbreak My Heart” natanong ang dalawa kung ano ang mangyayari sa kanilang loveteam, dahil magkaiba sila ng network.

Sinabi ni Will na patuloy pa rin silang magiging “in touch” sa isa’t isa ni Bianca.

“I think at the end of the day, other than being friends or workmates, we formed a truly bonded friendship,” sabi ni Bianca.

“Masaya akong nakatrabaho ka ngayon and marami akong natutunan sa ‘yo. Looking forward sa mga next pa na gagawin natin,” mensahe ni Will kay Bianca.

“I’m proud of you and I’m also rooting for you. I will always be on the sidelines cheering for you,” sabi naman ni Bianca kay Will. -- FRJ, GMA Integrated News