Binigyang-buhay sa "Magpasikat" performance sa programang "It's Showtime" ang ilang yumaong komedyante sa tulong ng AI (artificial intelligence).
Sa ginawang performance ng team nina Vhong Navarro, Teddy Corpuz, at Jugs Jugueta Vhong, at sa tulong ng AI, muling nasilayan sa telebisyon ang pagtatanghal ng mga namayapang komedyante na si Dolphy, Babalu, at Redford White.
Kasama rin sa ginaya ang mga mukha at pinarangalan sina Bert "Tawa" Marcelo, Miss Tapia, Tiya Pusit, Yoyoy Villame, Willie Nepomuceno, Rene Requiestas, Kuya Germs, at iba pa.
Ayon kay Vhong, humingi sila ng pahintulot mula sa pamilya ng mga namayapang komedyante sa kanilang gagawin na paggamit sa mga larawan ng mga nito.
Nagpaalala rin sila sa publiko na dapat maging responsable sa paggamit ng AI technology.
"Ang paggamit po ng AI dapat ginagamit po sa tama, hindi po sa panloloko," sabi ni Vhong.
Hindi naman naiwasan ng veteran actress na si Nova Villa na maging emosyonal nang makita ang kaniyang mga dating kasamahan sa industriya na pumanaw na.
"Kaibigan ko lahat 'yun. Nakasama ko lahat 'yun lalo na si Tito Dolphy," saad ng aktres. —FRJ, GMA Integrated News