Ibinahagi nina Empoy Marquez at Jayson Gainza ang mga karanasan nilang “pogi problems” sa tuwing mapagkakamalan daw sila na sina Matteo Guidicelli at Ruru Madrid. Pero pag-amin ni Jayson, mas lapitin ng chicks si Empoy.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Jayson kung ano ang nararamdaman kapag napagkakamalang siya si Ruru sa set ng upcoming series nila na "Black Rider."

“Nagagalit po ako. Nakaka-offend,” birong sagot ni Jayson.

“Tapos ‘yun binato ko po ‘yung motor. Nakakailang motor na nga po ‘yung bato ko eh. Binabato ko sa ilog,” dagdag pa ng komedyante.

“Wala akong magawa, napagkakamalan akong si Ruru, tapos hinahanap sa akin si Bianca,” sabi pa ni Jayson.

Hiningan din ni Tito Boy ng reaksyon si Empoy sa tuwing napagkakamalan naman daw na siya si Matteo.

“Hindi naman iba,” seryosong tugon ni Empoy.

Ayon kay Empoy, Mateo raw talaga ang tawag sa kaniya ng kaniyang ina sa bahay nila.

“Sa bahay namin ang tawag sa akin ng nanay ko ‘Mateo.’ Meron siyang bible verse na paborito.”

Ibinunyag naman ni Jayson na mas habulin ng babae si Empoy kaysa sa kaniya.

“Habulin talaga siya. Kasi kapag nakita mo si Empoy, kapag pinapanood mo… Mamahalin mo talaga siyempre, parang malapit na sa ‘yo kaya mahal na mahal mo talaga.”

Panoorin ang kulitan kasama sina Jayson at Empoy sa “Fast Talk with Boy Abunda.” -- FRJ, GMA Integrated News