Namataan sa isang mall sa Batangas ang beauty queen at guro na si Catherine Camilon ilang oras bago siya tuluyang hindi na makontak ng pamilya.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nakakuha ng kopya ng CCTV footage ang Tuy Police Station mula sa isang mall sa Lemery na makikitang naglalakad na mag-isa si Catherine.

BASAHIN: Buong Batangas PNP, inalerto para mahanap si Catherine Camilon

Ang naturang CCTV footage ay kuha umano noong Huwebes dakong 7:00 pm. Ayon sa pulisya, nangyari ito bago nagpadala ng mensahe si Catherine sa kaniyang ina na nasa isang gasoline station siya sa Bauan, Batangas.

"Paglabas 'yon from that mall, but the last text is sa Bauan siya nagpunta. Negative tayo sa mga CCTV's doon," ayon kay Police Captain Pauline Fernando, PIO Chief, Batangas PPO.

BASAHIN: Herlene Budol, nanawagan ng tulong para mahanap si Catherine Camilon

Bago nito, nagpaalam si Catherine sa ina na pupunta sa Batangas City dahil mayroon siyang kakatagpuin.

Humingi ng tulong sa publiko ang pulisya ng lalawigan ng Batangas upang mahanap si Catherine.

"Hanggang ngayon negative. Nag-a-appeal din kami sa taumbayan, if there is some information na puwedeng ibigay sa amin para mabilis ang pag-usad," ayon kay Police Captain Pauline Fernando, PIO Chief, Batangas PPO.

Nais din alamin ng pulisya ang mga impormasyon tungkol sa sasakyan na gamit ni Catherine nang mawala siya.

"Pati yung sasakyan na ginagamit niya ay kinukuhanan natin ng info. Hindi kasi siya ang first-hand noong sasakyan," ani Fernando. "Kung kanino niya ito binili, hinahanap din ýon kung saan. Kaso negative pa kasi lahat daw ng papeles ay na kay Catherine.

Ayon sa ina ni Catherine na si Rosario, hindi rin umano nakatagpo ng anak ang sasadyain nito sa Batangas City.

"Doon ho sa Balisong Channel, sabi parang matagal na daw ho silang walang contact. Hindi ko ho maalala kung ano yung pangalang sinambit niya na iyon talaga. May tinuran ho siya sa aking pangalan, talaga hong yung sinabi niyang pangalan. Hindi ko ho alam, malaman ho laang namin na maayos siya 'yon ho'y kasayahan na namin," sabi ni Rosario.

Nilinaw naman ni Mary Rose Rivero, station manager ng Balisong Channel, na hindi nagtungo sa kanilang tanggapan si Catherine noong Huwebes, Oct 12.

"Kasi everytime naman na pupunta siya dito, kaming dalawa yung nagkaka-transaksyon. Wala siyang message, walang call, walang kahit ao," sabi ni Rivero na December 2021 pa raw ang huli nilang transaksyon ni Catherine.  -- FRJ, GMA Integrated News