Iniulat ng kaniyang pamilya na nawawala si Catherine Camilon, isa sa mga kandidata sa Miss Grand Philippines 2023.

Ayon sa kaniyang kapatid na si Chin-chin Camilon, huling raw nakita si Catherine noong nakaraang Huwebes, October 12.

Sa kaniyang mga Facebook posts, humingi ng tulong sa netizens si Chin-chin para mahanap ang kaniyang kapatid.

"Baka po mababasa 'to ng kasama ni Catherine Camilon kagabi na ka-work niya, hindi lang po namin alam kung sino, 'di po matandaan ang pangalan, pasabi naman po baka alam n'yo po kung nasaan siya," saad ni Chin-chin noong Biyernes.

"Kagabi pa po siya tumawag 8 p.m., kaninang umaga pa po naka-off ang phone niya, hanggang ngayon at hindi din po nag-o-online, palagi po siya nag-a-update sa amin, ngayon lang po talaga hindi," dagdag niya.

Hanggang nitong Lunes, wala pang ulat kung nakita na ng pamilya si Catherine.

"Nasan ka na ba kapatid ko?" sabi ni Chin-chin sa post.

Si Catherine, 26-anyos, ang naging kinatawan ng Tuy, Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 pageant.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing nag-flash alarm ang kapulisan para maalerto sa paghahanap kay Catherine.

Napag-alaman na nagpaalam si Catherine sa pamilya noong Biyernes na pupunta sa Batangas City dahil may katatagpuin na tao.

Ang huling mensahe niya, nasa isang gasolinahan siya sa Bauan, Batangas. Pero pagkaraan ng ilang oras, hindi na siya matawagan ng pamilya.—FRJ, GMA Integrated News