Natupad ang “wildest dreams” ng isang Pinoy Swiftie matapos siyang makapagpa-selfie, makausap at makapagpa-autograph mismo sa kaniyang idolo na si Taylor Swift sa California.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa State of the Nation, ipinakilala si Arnold “Noldz” Uy, na nagtatrabaho bilang nurse sa Los Angeles.
Naimbitahan si Uy sa premiere ng The Eras Tour concert film sa Los Angeles, at ito ang naging “the best day” para sa kaniya.
Hindi niya inaasahang makadadaupang palad, makakausap at makakaharap niya mismo si Taylor.
“She started taking the phones, taking selfies with them, and sabi namin ‘Oh my gosh, is she going to every fan?’ She was right there in front of us, like across us, and we were freaking out,” kuwento pa ni Uy.
Inakala pa ni Uy na ang pagkakataong iyon na ang kanilang encounter, ngunit si Taylor, umikot pa.
“I reached out my phone. Taylor said ‘Hi thanks for coming,’ and she got my phone, took a lot of selfies and then, oh my gosh, she even did a kissing pose,” natutuwa pang kuwento ni Uy.
Mahigit isang dekada nang idolo ni Uy si Taylor.
Nang matupad na ang kaniyang “wildest dream,” “blank space” o natulala na lang siya.
Nakapunta na rin si Uy sa Eras Tour ng American singer-songwriter at napapirmahan pa niya sa idolo ang ticket niya noon.
“After the interaction, I was already shaking, ‘yun ‘yung feeling, shaking like you finally met Taylor Swift,” sabi ni Uy.
Ngayon, hindi pa rin makapaniwala si Uy sa nangyari dahil tunay na “hits different” ang kaniyang karanasang makita nang personal si Taylor. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News