Inihayag ni Rio Locsin na nakaramdam siya ng hiya habang ginagawa noon ang mga daring na eksena sa “bold” na pelikulang “City After Dark” noong 1980's.
“Grabe, hiyang hiya talaga ako. Kasi siyempre dalaga ako, ang bold ng pelikula, may mga eksena roon na naka-plaster ka lang sa ibabaw, nakalubog kami sa bathtub ni William Martinez tapos may love scene,” kuwento ni Rio sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Hiyang-hiya ako. Tapos may mga kissing scene kami nu’ng isang ka-partner ko roon, ako ‘yung nakapatong, ako ‘yung humahalik, ako ‘yung agresibo,” dagdag ni Rio.
Sa naturang pelikula, gumaganap si Rio bilang si Bea na isang bulag.
Nakasama ni Rio ang iba pang beteranang aktres sa pelikula tulad nina Cherie Gil, Charito Solis, Gina Alajar, Alma Moreno, William Martinez, Lorna Tolentino at marami pang iba.
Inalala ni Rio ang pagiging strikto ng direktor ng pelikula na si Ishmael Bernal.
“Sabi ni Ishma (Ishmael Bernal) sa akin, ‘Gawin mo na lang minsan, kaysa paulit-ulit kong ipagawa sa ‘yo ng 10 beses. Kapag hindi ko nagustuhan uulit-ulitin mo ‘yan, ikaw din, sige,’” pag-alala ni Rio.
Kalaunan, pumayag din si Rio na gawin ang mga daring na eksena.
“Oo nga naman, totoo naman nga ‘yon. Ginawa ko na, pumayag naman siya, pasado naman siya,” anang aktres.
Nagpapasalamat si Rio na bagaman nagsimula siya sa paggawa ng bold ay napagkatiwalaan siya at nakasama sa mga malalaking pelikula. -- FRJ, GMA Integrated News