Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, ibinahagi ng veteran actress na si Rio Locsin ang pinaka-ayaw niyang ginagawa ng kapuwa niya artista sa set ng kanilang trabaho.

Pinuri ni Tito Boy ang pagiging handa lagi ni Rio, at katunayan ay maaga itong dumating para sa naturang interview. Kaya naman tinanong niya ang aktres kung ano ang nagpapairita sa kaniya na ginawa ng mga katrabahong artista sa set.

Äko naiirita ako, naiinis ako talaga kapag may telepono sa set, kapag may cellphone sa set. Yung nagre-rehearse na, nagbibigay na ng instructions. Ako kasi wala akong telepono sa set," paliwanag niya.

Sakabila nito, hindi raw niya sinasabihan ang co-actors kapag may dala itong cellphone sa set. Sa halip, ipinapaalam niya ito sa production assistant.

"Sabihin mo  hindi puwedeng mag-telepono sa set," ani Rio.

Dagdag pa niya, "Sinasabi ko na kailangang mag-aral, kaya tayo nandito kailangang mag aral tayo ng mga linya natin, kailangang handa tayo. Hindi tayo magtetelepono sa set."

"Kasi nakaka... respeto rin sa kaeksena mo. Parang yung isa handa tapos ikaw hindi, kasi may kausap ka o nagri-ring yung telepono mo nasa bulsa kasi. Eh di sana umuwi ka muna, nakipag-usap ka," sabi pa ni Rio.

Sa Fast Talk segement, inihayag ni Rio na best thing sa showbiz ang maraming makikilalang tao, habang worst thing naman ang mahirap pakisamahan ang ibang tao.

Para kay Rio, si Vilma Santos ang pinakamahusay na aktres, habang si Christopher de Leon ang best actor para sa kaniya. 

Tinanong din ni Tito Boy si Rio na, "Oo, hindi, may asim pa?" Alamin sa video ang sagot ng batikang aktres. -- FRJ, GMA Integrated News