Hindi nakapagtataka kung masaya si Julie Anne San Jose na magtanghal sa mga Pinoy na nasa ibang bansa dahil ilang taon din palang naging overseas Filipino worker sa Taiwan ang kaniyang ama.
Sa panayam ng Break Seven ng GMA Pinoy TV, binalikan ni Julie Anne ang panahon na nire-record nila ang kaniyang mga kanta sa cassette tape para ipadala sa kaniyang ama sa Taiwan upang marinig ang kaniyang boses.
“Naaalala ko kasi noon nu’ng bata ako, laging nire-record ‘yung boses ko sa cassette, and then we would send tapes sa dad ko kasi he used to work in Taiwan when I was little," masayang pagbabalik-tanaw ni Julie.
"And then we would always send tapes to him ng mga boses ko, ‘yung mga kanta ko,” dagdag pa niya.
Kaya naman daw pamilyar din si Julie sa kapanahunan na uso pa noon ang mga cassette tape.
“Inabutan ko pa ‘yun sa karaoke, like ‘yung mga cassette player tapos ‘yung may mga side A, side B,” natatawang sabi ng Asia’s Limitless Star.
Ayon kay Julie, anim na taon na nagtrabaho bilang OFW ang kaniyang ama sa Taiwan.
Nang tanungin si Julie Anne kung ano ang nami-miss niya sa pangtatanghal sa ibang bansa, sabi ng singer-actress, "Ang ating mga Kapuso na talagang nagsasakripisyo to be away from families here in the Philippines."
"It means a lot to me kapag nakakabisita ako abroad sa mga iba't ibang shows ng GMA Pinoy TV. Its such a wonderful time talaga to be with them and see them, na makapagbigay ng entertainment, makapagbigay saya sa kanila. Kasi parang for me nilalapit mo siya sa home," ayon kay Julie Anne. -- FRJ, GMA Integrated News