Sinabi ng abogado ng mga Kapuso star na sina Mikee Quintos at Paul Salas na hindi pa rin nakikipag-ugnayan sa kanila ang inireklamo nilang cryptocurrency group.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, ibinahagi ni Tito Boy Abunda ang pahayag ni Atty. Tan, abogado nina Mikee at Paul.
Nitong Lunes, inireklamo nina Mikee at Paul, iba pang biktima ang crypto group ng syndicated estafa dahil sa pagtangay ng kanilang pera na aabot sa P8 milyon.
Lima katao mula sa nasabing grupo ang kanilang inireklamo. Habambuhay na pagkakabilanggo ang parusa sa mga napapatunayang sangkot sa kasong syndicated estafa.
Ayon sa abogado, bukas ang kaniyang mga kliyente sa settlement pero itutuloy nila ang kaso kung hindi pa rin makikipag-usap sa kanilang grupo.
“We are determined to pursue this case to ensure the service of justice. No one should be victimized by these ponzi schemes,” ayon kay Atty. Tan.
“To David Ortiz and the rest of the respondents, reach out to us. Otherwise, we will use the power of the law to attain justice for our clients,” dagdag pa ng abogado na nagpahayag na bukas ang kaniyang mga kliyente sa settlement.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News