Inilahad ni Andrea Torres na naranasan na niya noon na maagawan at maakusahan din na nang-agaw ng boyfriend.

“Pareho Tito Boy, pareho,” kuwento ni Andrea tungkol sa kaniyang karanasan sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

“Ang hirap. Mahirap ‘yung ganu’n kasi hindi naman ‘yun reflection ng ikaw bilang tao, pero ‘yung relasyon niyong dalawa,” sabi pa ng aktres na mapapanood sa Kapuso series na "Love Before Sunrise."

Sa Fast Talk segment, sinabi ni Andrea na single siya ngayon “by chance.” Turn on para sa kaniya ang isang taong mabait, at turn off sa isang "entitled."

Inihayag ni Andrea na may limang artista na ang nanligaw sa kanila, kung saan tatlo rito ang kaniyang binasted.

Bagama’t naniniwala sa second chances, sinabi ng aktres na hindi siya in a relationship ngayon.

Sa naturang episode rin, inanunsyo ni Tito Boy ang segment na “Talk or Dare,” kung saan pipili si Andrea kung sasagutin niya ang isang mainit na tanong, o kakasa na lang sa pole dancing.

Pangalanan kaya ni Andrea ang tatlo pang lalaki, bukod kina Derek Ramsay at Sef Cadayona, na mga taga-showbiz na nanligaw sa kaniya? Panoorin sa “Fast Talk with Boy Abunda.”-- FRJ, GMA Integrated News