Binigyan ng pagkilala ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) si Michael V. bilang isa sa comedy icons ng local showbiz industry.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing ang parangal ay nagsisilbing pagpupugay ng industriya kay Bitoy sa larangan ng pelikula at telebisyon.
Sinabi naman ni Bitoy na malaking karangalan na mapasama siya sa mga bigating honoree na kinabibilangan nina AiAi Delas Alas, Eugene Domingo, Vice Ganda, at ang namayapang Comedy King na si Dolphy.
Mula sa mga nakakatuwang sketches at parodies, hinangad ng “Comedy Genius” na mag-level up ang standard ng comedy sa Pilipinas.
Ayon pa kay Bitoy, maliban sa nakakatuwa, dapat na may natututuhan at may tinatamaan.
Dagdag niya, sakto ang timing ng award dahil sa hamong hinaharap sa kasalukuyan sa larangan ng comedy.
“Every year, every generation, mas nagiging mahirap magpatawa. We get more and more restrictions when it comes to making jokes and punchlines. Ako personally kahit ganu’n ang sitwasyon, asahan niyo po na hindi ako titigil ng paghahanap ng paraan para kahit paano mapangiti at mapatawa kayong lahat,” sabi ni Bitoy.
Isa si Bitoy sa lead ng longest-running gag show sa bansa na “Bubble Gang,” na napapanood na sa Linggo.
Nag-viral din ang kaniyang mga parody sa mga awiting "Uhaw," "Gusto Ko Nang Bumitaw" at "Raining in Manila." —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News