Hindi na nakapagtanghal sa kapistahan ng Casiguran, Sorsogon ang bandang Kamikazee matapos silang pauwian ng gobernador ng lalawigan dahil umano sa "attitude."
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang video ni Sorsogon governor Boboy Hamor habang nagsasalita sa entablado para ianunsyo ang ginawa niyang pagpapauwi sa banda.
"Sana naintindihan n'yo hindi ko gusto 'to. Kaso sinabi ko nga may attitude. di na 'yon makakabalik sa akin maniwala kayo sa akin," saad ng lokal na opisyal.
"Maraming banda, maraming banda na gustong magpasaya sa atin. pero kung ganoon naman ang ugali, pasensyahan tayo," dagdag niya.
Ayon kay Hamor, bayad ang banda bago pa man magtanghal.
"Pinauwi ko na, 'di ko na patitirahin sa residencia. Pinauwi ko na sa airport. doon sila mag-umaga," sabi pa ng gobernador.
"Inuuulit ko, hindi tayo puwedeng bastusin na taga- Sorsogon. Pinipilit ko naitaas ang dignidad ng bawat Sorsoganon," patuloy niya.
Ayon kay Dong Mendoza, Public Information Officer of Sorsogon, nagalit ang gobernador nang tumanggi umano ang banda na magpakuha ng larawan sa atraksyon na 16,000 blue roses.
Pumayag umano noong una ang banda pero hindi sumipot sa lugar ng pictorial.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng Kamikazee, habang tumanggi na si Hamor na makapanayam pa.
Ang Kamikazee ay pangungunahan ni Jay Contreras bilang lead vocalist at isa sa kanilang hit songs ang "Narda." —FRJ, GMA Integrated News