Naghain ng reklamong estafa sa Makati City Prosecutor’s Office laban sa isang cryptocurrency group ang magkasintahang sina Mikee Quintos at Paul Salas.
Kasama nina Mikee at Paul ang pitong iba pa sa paghahain ng reklamo laban sa apat katao dahil sa paglabag umano sa Presidential Decree No. 1699 o Syndicated Estafa in relation to Articles 315 at 316 ong Revised Penal Code.
Aabot umano sa P8 milyon ang nawala sa mga biktima.
“I think that’s their modus din na aalagaan ka muna nila, papaniwalain ka nila na okay 'yung transactions with them until when you give a sufficient amount na or big amount na — more or less P8 million ‘yung nakuha nila sa amin, eh — tinakbo na nila,” ayon kay Mikee.
Ayon kay Atty. Lance Tan, abogado ng mga biktima, nasa early 20s ang mga inireklamo.
“This is syndicated estafa so this is life imprisonment. So sayang din naman. This is no bail. Like I said, sayang din naman, kawawa din naman sila, mga bata pa sila,” ayon kay Tan.
Sinabi ni Tan na handa ang kaniyang mga kliyente na makipag-usap sa mga inirereklamo.
Gayunman, susulat din umano sila sa mga paaralan ng mga inirereklamo para ipaalam ang pangyayari.
“Initially, we just want to let the school know. And then we’ll let the school act on it kung papaano 'yung appropriate na sanctions (as to what sanctions) or actions that they’re going to take,” paliwanag ng abogado.
Ayon kay Mikee, inalok sila ng dalawang deal ng grupo.
“The first was compounding monthly [of] 5% kung magkano 'yung ipapasok mo. Depende sa iyo 'yun. May ledgers pa and everything,” saad ng aktres.
“Tapos doon sa short term 'yun nga 'yung deal na kinuwento ni Paul na two weeks lang 'yung holding time, babalik na. Eh, dumating na ‘yung two weeks, delay, delay, delay. We gave them a chance na mag-revert sa amin pero wala talaga,” dagdag niya.
Nang hingan ng mensahe si Paul para sa inirereklamo nilang grupo, ayon sa aktor, dapat gawin nila kung ano ang dapat.
“Ito’y pagbibigay warning lang na huwag masyadong magtiwala agad kasi pinaghihirapan natin 'yung pera na ito. So bigay awareness lang din na let’s sleep on it, di ba, pag-isipan ang investments, huwag masyadong luwagan,” payo niya. —FRJ, GMA Integrated News