Pumanaw na sa edad na 82 ang British-Irish actor na si Michael Gambon, na tumatak sa kaniyang karakter bilang si Professor Albus Dumbledore sa "Harry Potter" movie franchise.
Ayon sa Reuters, iniulat ng PA Media na payapang pumanaw sa ospital si Gambon, batay sa pahayag na inilabas ng pamilya.
Nagsimula ang karera ni Gambon sa pag-arte sa entablado noong 1960s, at kinalaunan ay napanood na siya sa telebisyon at pelikula. Kabilang sa mga ginampanan niyang karakter ay psychotic mob leader sa Peter Greenaway's "The Cook, the Thief, His Wife & Her Lover" noong 1989 at si King George V sa Tom Hooper's "The King's Speech" noong 2010.
Pero higit na nakilala siya sa kaniyang papel bilang si Dumbledore sa "Harry Potter" franchise, kung saan pinalitan niya ang namayapa na rin na si Richard Harris noong 2004.
Kilala na palabiro si Gambon at mahusay gumawa ng kuwento. Isa na rito ang ipinagmalaki niyang signed photograph ni Robert De Niro na ginawa lang niya bago pa niya nakilala nang personal ang American actor.
Sa isang episode ng "The Late Late Show" sa Ireland, ikinuwento niya kung papaano niya kinumbinsi ang kaniyang ina na kaibigan niya ang Santo Papa.
Tumigil sa pag-arte sa teatro si Gambon noong 2015 dahil sa long-term memory problems, pero nagpatuloy siya sa paggawa ng pelikula hanggang noong 2019.
Sa isang panayam noong 2002, sinabi ni Gambon na ipinadama sa kaniya ng kaniyang propesyon na siya ang "luckiest man in the world."—Reuters/FRJ, GMA Integrated News