Sinabi ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na humingi ng paumanhin ang mga producer noontime television show na “E.A.T” dahil sa "lubid" na sinabi ng host na si Joey de Leon tungkol sa tanong na mga bagay na isinasabit sa leeg.
Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee nitong Miyerkules tungkol sa 2024 proposed budget ng MTRCB, sinabi ng pinuno ng ahensiya na si Lala Sotto, na boluntaryong nagtungo sa kanilang tanggapan ang mga producer ng show matapos ang naturang episode at nagsumite ng apology letter kaugnay ng sinabi ni Joey.
Sa isang segment ng show, hiningan ng limang sagot ang kalahok ng mga bagay na isinasabit sa leeg. Matapos nito, binanggit ni Joey ang "lubid," na pinuna ng netizens.
Kinumpirma ni Atty. Paul Cases, chairperson ng MTRCB adjudication board, ang pagsusumite ng E.A.T. ng apology letter. Aniya, pinag-aaralan na rin nila ang natanggap nilang reklamo tungkol dito.
“We already took cognizance of the complaints that we received on our social media page. We’re going to discuss it after the legal case brings the same matter before the adjudication committee,” sabi Cases.
Sa sulat sa MTRCB na may petsang September 25, sinabi rito na, “the whole E.A.T. management is regretful and apologetic to those who were offended” ng naging komento ni Joey.
“He conveyed this verbally in a very brief manner without further actions, elaborations or demonstrations. However, some viewers interpreted the utterance of the said object to be an insinuation of suicide, which is a very sensitive and triggering subject,” ayon pa sa sulat.
“In this regard, the whole E.A.T. management is regretful and apologetic to those who were offended by the said utterance. Rest assured that we are one with MTRCB in advocating a responsible viewing experience for the public,” dagdag nito.—FRJ, GMA Integrated News