Binalikan nina Lassy at MC kung paano nila nakilala si Vice Ganda nang magtrabaho sila noon sa isang comedy bar.

“Siya na ang reyna ng comedy bar. Takot na takot kami kasi mag-o-audition kami. Noong nag-audition  kami nasa harapan siya talaga, nasa gilid siya ng stage, naka-ganu’n (nakataas ang noo at nakahalukipkip), akala mo siya ang may-ari,” kuwento ni MC sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules.

“Parang siya ang pinaka-kanang kamay ng may-ari. Magaling siya, siya ang tinatanong ng may-ari, ‘Pasado ba?’” dagdag ni MC.

Inalala nina MC at Lassy ang leksiyon na ibinibigay nila kay Vice.

“Ang lagi naming sinasabi, lagi kang lalaban, no matter what. Puwedeng mapagod, pero hindi susuko,” sabi ni MC.

“Puwede kang mapagod, puwede kang magpahinga, pero laban pa rin,” dugtong naman ni Lassy.

“Kasi ang hirap ‘pag nasa tuktok ka, maraming gustong bumato sa ‘yo,” paalala ni MC kay Vice.

“Lagi nga niyang sinasabi sa amin, ‘Pag gusto kong bumalik sa basic at maging totoo ulit, si MC at Lassy ang pinatatawag ko,’” pag-alala ni MC tungkol sa pagkakaibigan nila ng Unkabogable Star.

Sa dami ng mga komedyanteng kaibigan ni Vice, tinanong ni Tito Boy ang dalawa kung bakit sila ang napili para sa It's Showtime.

"Siguro kumuha lang siyang balanseng hitsura," biro ni Lassy. "From pangit [Lassy], gitna siya [Vice], tapos ito maganda [MC]."

Paliwanag naman ni MC, "Una kasi nag-work kami, nag-work yung formula namin sa mga comedy bars tapos siguro after ng ilang taon, sumingit na yung friendship. Nagkaroon na kami ng palagayan ng loob kaya siguro kami ang napipili niya lagi, madalas."

Napapanood ang "It's Showtime" sa GTV Lunes hanggang Biyernes ng tanghali at Sabado ng 11:30 ng umaga. -- FRJ, GMA Integrated News