Isang buwan makaraang masangkot sa aksidente, ibinahagi ni Vice Ganda sa kaniyang followers na bumili siya ng bagong sasakyan.
Sa YouTube vlog, sinabi ng host ng “It’s Showtime” na aabutin ng ilang buwan ang pagpapagawa sa nabangga niyang sasakyan.
“Dahil it will take time bago magawa ‘yung sasakyan ko, mga ilang months, so kailangan natin ng panibagong service,” saad ni Vice.
BASAHIN: Vice Ganda, ligtas sa aksidente sa Q.C.; sasakyan niya, kasama sa 4 na inararo ng truck
Ang bagong sasakyan ni Vice ay isang six-cylinder gasoline na BMW 735i Pure Excellence na may full-glass sunroof.
Habang tinitingnan ni Vice ang sound system ng sasakyan, ipinadinig niya ang kaniyang single na “Rampa.”
Sa video, inihayag ni Vice na labis siyang naapektuhan sa nangyaring aksidente at nakaranas siya ng stress at trauma.
“‘Yung pakiramdam na nabangga ka, nasa loob ka ng sasakyan na malala, 'day, iba ‘yun,” ani Vice.
Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat pa rin si Vice sa Diyos dahil walang nasawi.
“Still, nagpapasalamat tayo sa Panginoon, buhay tayo. Mas mahalaga naman ang buhay kesa dito sa mga materyal na bagay na ito. Mababawi naman natin ‘to kung pagtatrabahuhan pa natin. ‘Di ko naman sinasabing OK lang na mabangga, pero we still feel blessed. Na-trauma lang talaga tayo,” paglalahad niya.
Sinabi naman ng kaniyang partner na si Ion Perez na may bentahe ang mahal na saksakyan.
“‘Yun lang talaga ‘yung advantage talaga ng mahal na sasakyan, ‘yung sobrang tibay sa ganung impact,” paliwanag niya.
Inayunan naman ni Vice si Ion kaya raw mahal na sasakyan ang binili niya para na rin sa safety.
“Kung ibang sasakyan ‘yun, kung ‘yung hindi kasing luxury nung sasakyan na binangga, baka daw patay ‘yung driver,” dagdag niya.
Bukod sa sasakyan ni Vice, may tatlo pang ibang sasakyan ang nabangga ng isang truck na pag-aari ng isang transportation service company.— FRJ, GMA Integrated News