Inihayag ni Juancho Triviño na napagkakamalan kung minsan na si Padre Damaso ang ginampanan niyang karakter na si Padre Salvi sa Kapuso series noon na "Maria Clara at Ibarra."
Sa naturang serye, si Tirso Cruz III ang gumanap na si Padre Damaso na higit na kilala sa nobelang Noli Me Tangere. Gayunman, lumutang din sa serye ang kasamaan ni Padri Salvi kaya hindi maiwasan ng iba na malito sa dalawang karakter.
WATCH: 'Padre Salvi,' hinimatay sa mahal na presyo ng sibuyas
Sa Instagram post, ibinahagi ni Juancho ang nakatutuwang video nang may lumapit sa kaniya para magpakuha ng litrato at tinawag siyang Padre Damaso.
"Yes, 4 out of 10 encounters siya," saad ng aktor sa caption ng post.
Sa comment section, may magbiro na madami talaga ang malilito kina Padre Salvi at Padre Damaso dahil pareho silang panot.
Sa "Maria Clara at Ibarra," naging markado ang uka sa bumbunan o buhok ni Padre Salvi na bahagi ng kaniyang karakter.
Ang "Maria Clara at Ibarra" ay isang historical portal fantasy series na base sa mga nobela ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Pinagbidahan ito nina Barbie Forteza, Dennis Trillo, Julie Anne San Jose, at David Licauco.
Muli namang nakasama ni Juancho sina Barbie at David sa bagong Kapuso series na "Maging Sino Ka Man." —FRJ, GMA Integrated News