Sa "Family Feud," laging sinasabi ng host na si Dingdong Dantes ang tungkol sa 100 katao na tinanong kung saan ibabase ang sagot at iskor na makukuha ng kalahok. Papaano nga ba ginagawa ng programa ang kanilang survey.
Sa media conference ng game show, ipinaliwanag ng Kapuso Primetime King na pinagsasama-sama sa isang kuwarto ang 100 respondents o mga taong kasama sa survey.
"'Yung tanong ay sinasabi, hindi siya binabasa," ani Dingdong. "Kasi magkaiba 'yun pagka binasa mo 'yung tanong. 'Yung talagang nakikita mo 'yung spelling, so iba na 'yung mapoproseso mong sagot dun."
Itatala naman ang mga sagot, at ang aktuwal na bilang ay gagamitin sa show.
Nitong nakaraang Abril, ipinagdiwang ang first anniversary ng "Family Feud Philippines." Nagkaroon naman ito ng season break habang ginagawa ni Dingdong ang "Royal Blood."
Pero sa darating na Oktubre 2, tuloy na muli ang kasiyahan dahil magbabalik na ang "Family Feud" at si Dingdong.—FRJ, GMA Integrated News