Inihayag ni David Licauco na plano na niyang ipaopera ang kaniyang kondisyon na sleep apnea pagkatapos ng TV series nila ni Barbie Forteza na "Maging Sino Ka Man."
Ang sleep apnea ay sleep disorder na tumitigil kung minsan ang paghinga ng pasyente habang natutulog.
Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinakita sa GMA News "24 Oras'' nitong Biyernes, sinabi ni David na natuklasan na mayroon siyang ganitong kondisyon noong 16-anyos siya.
“Gusto ko nang magpa-opera after this show, so hopefully I find the time na magawa ko ‘yun kasi I think sleep is the best gift by God,” saad niya.
Kung minsan, napagkakamalan umano siyang suplado pero ipinaliwanag ng aktor na may kinalaman dito ang kaniyang kondisyon.
"I tend to be, parang iniisip ng mga tao na mataray ako, suplado, but actually may nape-feel kasi ako sa umaga na bigat eh, so parang wala ka sa mood, so I had to work out," paliwanag niya.
Nitong nakaraang Hulyo nang ihayag ni David ang pagkakaroon niya ng sleep apnea na nagiging dahilan din kaya siya nala-late sa taping.
"My breathing stops for like mga 30 seconds straight, 24 times in an hour," ayon kay David. “So, all throughout the night, hirap ako eh. So stressed ako. So paggising ko sa umaga, I’m stressed also.”
Mapapanood na simula sa susunod na linggo sa GMA 7 ang “Maging Sino Ka Man” na remake pelikula nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.
Kasama sa serye sina Jean Garcia, Faith da Silva, Rain Matienzo, Mikoy Morales, Juancho Triviño, Jeric Raval, E.R. Ejercito, at Jean Saburit. — FRJ, GMA Integrated News