Ikinuwento ni Rufa Mae Quinto ang pinagmulan ng iconic lines niyang “Go go go!” at “Todo na 'to!” na pumatok sa masa at netizens. May bago rin siyang hugot para maging gabay sa buhay.
“Go go go! Kasi nga ‘di ba ang buhay ko parang ang hirap ng mga ganap, alam mo na ‘yon Tito Boy, ‘yung mga pinagdaanan ko sa mga buhay,” sabi ni Rufa Mae sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
“So sabi ko na lang, sa sobrang drama at lungkot ‘Go go go! Fight, fight, fight,” pagpapatuloy ng aktres.
Ayon kay Rufa Mae, puwede niya rin itong maging payo sa mga dumadaan sa pagsubok sa buhay.
“Go, go, go! Kasi parang in life nga, kailangan mo na lang itawid, ituloy mo lang kung ano ‘yan, basta alam mong naniniwala kang maganda ito, tama ito, feel mo ito,” paliwanag niya.
“Basta alam mong naniniwala kang maganda ito, tama ito, feel mo ‘to — go, go go! Fight, fight, fight! ‘Wag tayong tumigil,” dagdag pa ni Rufa.
Samantalang ang "Todo na 'to!, sinabi ni Rufa na para sa mga kasamahan niyang pagod na para ma-motivate at matapos nang may energy ang natitira nilang trabaho.
“Kasi ‘di ba kapag nagte-taping tapos kapag busy ka sa showbiz, walang tulog, puyat lahat. So minsan sa set, ‘yung iba natutulog na sa gitna ng shooting. Parang gusto kong bilisan, ‘Kilos na tayo para matapos na, makauwi na. In short, todo na ‘to, mga tol!’,” sabi ni Rufa.
Samantala, may payo rin siyang “Go, go, goals!”
“You should have goals in life... Kasi kahit na go with the flow tayo... Kung ano ‘yung nandiyan, ayusin ko, tapusin ko,” saad niya.
“Dati kasi hindi ako gano’n. Ngayon, talagang maliwanag sa 'kin kasi [dati] distracted din, naghahanap ng love life, gusto nang magpamilya, mga ganu’n,” dagdag pa ni Rufa.
Ngayon, may sariling pamilya na si Rufa kaya mas maayos na ang buhay niya ngayon.
“Nagkaroon ako ng goals nga, structure in life dahil sa kanya. Hindi ako napariwara kasi nga gusto ko lagi I’ll be the best of me,” sabi ng aktres.
Idinagdag din ni Rufa ang “Time is go, go, gold.”
“Lahat ng bagay po may oras, may timing — ang araw, ang buwan. God’s timing, lagi ‘yun! Kasi mahirap pilitin ang bagay ‘pag alam mong ayaw,” sabi niya.
Pero hindi raw dapat pinupuwersa ang mga bagay at huwag pilitin ang kung hindi panahon. -- FRJ, GMA Integrated News