Ibinahagi ng batikang aktres na si Jean Garcia sa "Fast Talk with Boy Abunda" ang kaniyang technique sa mga eksena na mayroon siyang sasampalin.
Sa episode ng programa ni Tito Boy nitong Huwebes, inihayag ng King of Talk ang kaniyang paghanga kay Jean dahil kaya niyang gampanan ang papel na bida at kontrabida sa kaniyang mga proyekto.
Dahil sa kaniyang husay, 30 taon na sa showbiz industry si Jean. Pero ayon sa actress, hindi pa rin nawawala ang kaniyang passion sa acting.
"Kung ano ang ibinibigay nilang role sa akin, pinag-aaralan ko 'yon," sabi ni Jean, na kasama sa upcoming Kapuso series na "Maging Sino Ka Man" na pinagbibidahan nina Berbie Forteza at David Licauco.
Ayon kay Jean, ang kontrabida role ang pinakamasarap gawin, "Kasi exciting siya. Puwede mo siyang paglaruan."
Pagdating sa eksenang sampalan, sinabi ni Jean na kasama sa respeto niya sa kapuwa artista na huwag niya itong masaktan.
Kaya bilang pag-iingat, "Unang-una dapat wala kang accessories. Kailangan tatanggalin mo kasi ayaw mong aksidenteng masasaktan mo sila.”
Patuloy pa ng aktres, dapat "sukat" ang layo ng kaniyang kamay sa parte ng mukha na mahahagip ng kaniyang sampal.
“Kailangan sukat mo. Kasi hindi naman pupuwede kapag sinampal ka, dito, masakit ‘yon,” paliwanag ni Jean habang itinuturo ang mukha ni Tito Boy.
“Masakit din sa kamay mo kasi para kang nanuntok eh,” patuloy niya kapag tumama sa mukha ang sampal.
“So dapat, ang sampal, ito,” dagdag pa ng aktres na dapat na dadampi lang sa pisngi. “So dapat, sukat mo yan.”
Sinasabihan din niya ang kaniyang kaeksena na huwag gagalaw at huwag abangan ang kaniyang pagsampal.
“Ang sinasabi ko lang sa co-actor ko: ‘wag kang gagalaw, ‘wag mong i-expect yung aking sampal. Kasi pag in-expect mo ‘yung sampal ko, kapag nauna ‘yung ilag mo, tatamaan ka sa tenga, masakit,” paliwanag niya.
May pagkakataon din umano na iniiba ni Jean ang timing ng kaniyang pagsampal batay sa script para hindi asahan ng kaniyang kaeksena ang paglipad ng kaniyang kamay.
Pero natatawang pag-amin ni Jean, siya man ay takot na masampal sa eksena.
Sa segment na "Fast Talk," tinanong si Jean kung anong klase ng tao ang gusto niyang sampalin, sabi ng aktres, "feelingera."
Kung papipiliin naman sa malakas na sampal o masakit na salita, pinili ni Jean ang "malakas na sampal."
Mapapanood ang "Maging Sino Ka Man" simula sa September 11. — FRJ, GMA Integrated News