Inilahad ni Jean Garcia na may pakiramdam siya na magkakaroon ng extended run ang upcoming Kapuso series na “Maging Sino Ka Man,” na pagbibidahan nina Barbie Forteza at David Licauco.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ng King of Talk ang batikang aktres tungkol sa kaniyang gut feel sa serye na isang special limited series.

"Iba 'yung kilig at iba 'yung feeling ko nu’ng pinanood ko 'yung trailer namin saka 'yung AVP namin,"  ayon kay Jean kaya nararamdaman niya na magkakaroon ito ng extended run.

Ang naturang series ay balik-tambalan nina Barbie at David, na unang nagpakilig sa hit series bilang sina Klay at Fidel sa "Maria Clara at Ibarra."

Sinabi pa ni Jean na mas pinahusay ang series at nagkaroon ng expansion ng kuwento mula sa orihinal na 90s movie nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.

"Acting-wise si Barbie maliit pa magaling na. Si David masipag, very hardworking. Kung meron mang kunwari sa acting may pagkukulang siya, ano siya, nagte-training siya,” sabi ni Jean.

"So medyo pagod si David talaga at willing siyang matuto," dagdag pa niya.

Gaganap si Jean na isang mayaman pero mawawalay sa kaniyang anak na si Barbie.

May makikilala siyang lalaki na nanggaling sa hirap at magkakaroon sila ng isa pang anak, ngunit pareho niya itong iiwan.

Mapapanood na ang Maging Sino Ka Man sa Setyembre 11, sa Telebabad ng 8 p.m. -- FRJ, GMA Integrated News