Masayang inihayag ni KC Concepcion na may basbas ng kaniyang inang si Sharon Cuneta ang desisyon niyang magbalik-showbiz.
Sa latest episode ng "Updated with Nelson Canlas," nagkuwento si KC tungkol sa kaniyang unang international film na "Asian Persuasion."
“Masaya naman ako talaga na may blessing ng mommy ko,” saad ng ni KC.
"She's always wanted me to do something internationally, and I hope that this makes her happy, and I hope that she really sees my hard work," pagpapatuloy ng 38-anyos na aktres.
Ayon kay KC, pinag-igihan niya na tapusin ang kaniyang pag-aaral para hindi niya mabigo ang mga magulang na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa pagbabalik niya sa showbiz.
“Nagtapos ako ng college kahit nagtatrabaho na ako dito, talagang pinursue ko 'yung studies ko kasi ayokong madismaya 'yung mom ko,” sabi niya.
“Everything she told me to do, I did naman, so happy ako, iba talaga 'yung feeling kapag may blessing ng mommy,” dagdag pa niya.
Nakatakdang sumali sa Soho International Film Festival lineup sa New York mula Setyembre 14 hanggang 21 ang "Asian Persuasion" at "Blue Room" na isa pang pelikulang Pinoy.
Ang "Asian Persuasion" ay tungkol sa lalaking hiwalay na may ginawang plano para pakasalan ang kaniyang dating asawa, para maiwasang magbayad ng alimony o sustento. Gayunman, mapagtatanto ng lalaki na gusto niya ng second chance sa pag-ibig.
Bukod kay KC, ibang Pinoy din na kabilang sa cast sina Dante Basco, Paolo Montalban, Tony Labrusca, at Yam Concepcion.-- FRJ, GMA Integrated News