Inilahad ni Barbie Forteza na hindi niya mapapantayan ang Megastar na si Sharon Cuneta sa pagganap nito sa pelikulang “Maging Sino Ka Man,” na kanilang gagawin sa telebisyon ni David Licauco.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, inamin ni Barbie na iba ang kaniyang magiging atake bilang si Monique, na iba sa ginawa ni Sharon sa pelikula.

“Hindi naman po siya conscious effort na ibahin, kasi definitely iba po talaga ‘yung magagawa ko dahil wala naman talagang makakapantay sa ating Megastar,” sabi ni Barbie, na kinumpirma na "Sharonian" ang kaniyang ina.

“So ako na lang po siguro, pressure on my part na hindi nila makita si ‘Klay,’” ani Barbie. “Hindi dahil sa para ma-compare roon sa original, kasi walang taong magko-compare, hindi siya ka-compare compare," sabi pa ng Kapuso actress.

Ang tinutukoy na "Klay" ni Barbie ay ang kaniyang karakter sa hit Kapuso historical portal fantasy series na “Maria Clara at Ibarra,” na isang Gen Z na pumasok sa mundo ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Naging patok sa netizens ang love team nila ni David Licauco sa series, kung saan gumaganap si David bilang si Fidel na matalik na kaibigan ni Crisostomo Ibarra.

Bilang paghahanda sa TV remake,  sinabi ni Barbie na pinanood niya ang pelikula nina Sharon at Robin na ipinalabas sa mga sinehan noong 1991.

“Pinanood ko po ‘yung pelikula, hindi dahil pressured ako, [kundi dahil] kasi gusto ko siyang mapanood kasi hindi ko siya time eh… So I really loved the film! Sobrang nakakatawa sina Mr. Dennis Padilla, si Senator Robin, tapos iba ‘yung presence talaga ng ating Megastar doon sa pelikula,” ayon kay Barbie.

Gagampanan naman ni David ang karakter bilang si Carding, na ginampanan sa movie version ni Robin.

Mapapanood na ang Maging Sino Ka Man sa Setyembre 11 ng 8 p.m. sa GMA Telebabad at 9:40 p.m. sa GTV. -- FRJ, GMA Integrated News