Dinala ng SB19 ang kanilang GENTO craze sa New York City nang magtanghal ang P-pop kings sa sikat na Times Square.

Sa kanilang Instagram, na mapapanood din sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita ang all-out performance nina Pablo, Stell, Ken, Justin at Josh sa kanilang hit single.

Kaya naman mistulang mini-concert na ang kanilang performance dahil sa dami ng taong nanood, at hindi rin napigilan ng fans na makisabay.

Bago nito, pinainit na rin nila ang Hollywood Boulevard sa Los Angeles, California.

Ang kanilang mga concert sa United States ay bahagi ng kanilang 2023 Pagtatag! World Tour. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News