Bukod sa pagsusumite ng counter-affidavit para sagutin ang mga reklamo laban sa kaniya, naghain din ng kontra-reklamo ang artistang si Awra Briguela laban sa lalaking nakaalitan niya sa isang bar sa Poblacion, Makati.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing sinumpaan ni Awra ang kaniyang salaysay sa tanggapan ni Makati Senior Assistant City Prosecutor Arvin Amata.
“We are filing a counter affidavit as an answer to the three cases, that’s it. We are not making any further comments as of this moment,” ayon sa abogado ni Awra.
Nandoon din si Christian Ravana, isa sa mga nakaalitan ng grupo ni Awra, at nagsampa sa kaniya ng mga reklamong paglabag sa Article 283 (light threats) sa ilalim ng Revised Penal Code, paglabag sa Article 286 (grave coercion) sa ilalim ng RPC, at paglabag sa Section 11(c) in relation to Section 11(a) ng Safe Space Act.
Bukod dito, sinampahan din si Awra ng mga reklamong slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority.
Samantala, naghain naman ng kontra-reklamo si Awra laban kay Ravana at kasama nito ng paglabag sa Section 1 ng Anti-Wire Tapping Act, slight physical injuries, at paglabag sa Safe Spaces Act.
Bagaman nagkita sa piskalya ang dalawa, sinabi sa ulat na hindi nag-usap sina Awra at Ravana.
Sinabi naman ni Atty. Nick Nangit, abogado ni Ravana, na walang aregluhan na pinag-uusapan ang magkabilang panig.
“Wala pa namang ganun. We're not at that stage yet,” ayon kay Nangit. --FRJ, GMA Integrated News