Binalikan ng mga Kapuso reporter at anchor ang naiwang alaala ng namayapang veteran broadcaster na si Mike Enriquez na labis umano ang pagmamahal sa kaniyang propesyon.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, naging panauhin sina Raffy Tima, Susan Enriquez, at Joel Reyes Zobel.
Ayon kay Joel na nakasama ni Mike sa Super Radyo dzBB, sobrang sipag sa trabaho ang veteran broadcaster kahit may nararamdaman.
“Actually one morning, papasok siya, he will do the newscast, kaya lang nakita namin siya na humahapo na siya. Sabi ko ‘Bakit andito ka pa?’ ‘I still have to do the newscast.’ Sabi ko, ‘Magpahinga ka na,’” pag-alala ni Joel na naging usapan nila noon ni Mike.
“We were able to convince him ‘Don’t do the newscast, we will do it for you,’” pagpapatuloy ni Joel.
Noong Disyembre 2021, nag-medical leave si Mike para sumailalim sa kidney transplant. Bumalik siya sa trabaho noong Marso 2022 para sa 2022 election coverage.
Nag-medical leave din si Mike noong 2018 para sumailalim sa heart bypass at magamot ang kaniyang kidney disease.
“Grabe ang dedication sa trabaho, maski hirap pumasok, papasok,” sabi ni Joel.
Ayon naman kay Susan, laging sinasabi sa kaniya ni Mike na ibigay ang 100 percent sa trabaho.
“Kasi nagkakasama kami sa mga remote coverages, kasi si Sir Mike madalas nasa remote coverages pagka malalaking istorya, lagi niyang sinasabi na pagka may ginagawa ka, always give 100%, not 99.9% but 100%,” balik-tanaw ni Susan.
May paliwanag naman si Raffy kung bakit “Booma” ang tawag nila kay Mike.
“Actually mystery din sa amin ‘yon. Pero ang puwede ko lang ma-explain, siguro dahil ‘yung booming voice niya, ‘yun ang natural voice ni Mike Enriquez, talagang malaki, malakas ‘yung kaniyang boses. Pero very sweet kapag nakakausap mo siya in person,” ani Raffy.
Saludo rin si Raffy sa disiplina ni Mike pagdating sa trabaho.
“Huling-huli ko siyang nakita, medyo ang sakit sa dibdib kasi nakita ko siya ang bagal nang maglakad. Kilala ko siya na mabilis maglakad, palaging aligaga, laging may gustong gawin. Pero noong time na ‘yon ang bagal niyang maglakad at inaalalayan na siyang pumapasok sa sasakyan at lumalabas,” sabi ni Raffy.
“Ang sakit kasi iba ‘yung pagkakakilala ko sa kaniya, and then suddenly makikita ko na siyang ganoon. Pero nagtatrabaho pa rin. Hanggang sa huli gusto pa rin niyang maglingkod sa bayan,” dagdag ni Raffy.
Binalikan din ni Susan ang pagkahilig ni Mike sa street foods, at hindi pihikan sa pagkain.
“Ang hilig niya sa mga street food. ‘Yung mga inihaw na pusit, mani. Hindi mo siya poproblemahin when it comes to food kasi lahat, kahit street food kakainin niya ‘yan. Hindi ‘yan maselan sa pagkain,” kuwento ni Susan.
Sa trabaho, sinabi ni Joel na “perfectionist” si Mike, pero sa labas ng trabaho ay isang "very caring" itong kaibigan.
“The slightest mistake sa script, and he will terrorize you. Ayaw niyang nagkakamali. But outside of work, Mike is a very caring friend,” sabi ni Joel.
Inilahad ng Kapuso broadcasters ang aral na kanilang natutunan kay Mike.
“Value yourself. Kasi kung hindi, hindi ka rin makakapagtrabaho nang maayos. Very generous din siya sa words of wisdom. Hindi niya nakakalimutan lagi na magsabi sa amin ‘pag nakakasalubong ako o si Mariz, lagi niyang sinasabi ‘Para magtagal kayo, maging mag-best friend kayo, lagi kayong maghawak kamay at lagi kayong mag-date,’” pag-alala ni Raffy, na sinabing “father figure” na rin si Mike pagdating sa mga Kapuso reporter.
“Pantay-pantay ang tingin niya sa mga tao,” sabi ni Susan. ‘Mike, Mike, pa-picture!’ Wala siyang hinihindian kung kaya rin lang naman. Pareho ang tingin niya sa tao, mataas, mababa, pare-pareho ang tingin niya.”
“Mike is unique. There will never be a Mike Enriquez in the industry. Kasi Mike can mix comic and news without sacrificing integrity,” sabi ni Joel.-- FRJ, GMA Integrated News