Inilahad ni David Licauco ang naging usapan nila ng kaniyang ka-love team na si Barbie Forteza tungkol sa real-life boyfriend ng aktres na si Jak Roberto, na viral dahil sa “anti-silos” classes nito.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy si David kung napag-uusapan ba nila ni Barbie si Jak.
“Sometimes. Siyempre nababasa namin ‘yung tweets and all that,” sabi ni David.
“Pinag-uusapan namin kung like, kung paano nila ire-receive ‘yung mga nangyayari, especially ‘yung anti-silos. Pinag-uusapan lang namin kung ano ang reaction ni Jak towards that. Pero siyempre tinatawanan lang naman namin, kasi at the end of the day entertainers kami, so we’re so happy to entertain people,” pagpapatuloy ng aktor.
Ayon pa kay David, nauunawaan niya ang nararamdaman ng “BarDa” fans na nasasaktan sa tuwing makikita sa social media na magkasama sina Barbie at Jak.
“Ako personally I think, kailangan din munang intindihin na on a fan’s perspective kasi humahanga sila sa amin eh, like because of ‘Maria Clara at Ibarra’ nagustuhan nila ‘yon, which is why gusto nilang maging kami in real life,""paliwanag ng aktor.
"So although may hates, we try our best to understand that kasi meron din naman silang feelings. Kasi for them na makita sila na kasama niya si Jak and all that, nahu-hurt sila, and kailangan namin ‘yung intindihin,” patuloy ni David.
Sinabi ni David na nananatili silang magkaibigan ni Jak.
“Oo naman,” sabi niya. “We’re good friends, nag-uusap kami.”
Matatandaang pumatok ang loveteam nina Barbie at David matapos gumanap bilang sina Klay at Fidel sa “Maria Clara at Ibarra.”
Magtatambal sila ngayon sa upcoming Kapuso series na “Maging Sino Ka Man.”
Naging viral naman si Jak sa kaniyang “anti-silos” memes dahil sa hindi umano niya pagseselos sa pagiging magka-love team at magkasama nina Barbie at David. --FRJ, GMA Integrated News